Tag Archives: insekto

Mamayang Gabi

Sa pagbaba ng dilim sa lupa, ang ilaw ng mga bituin ay magmumukhang diwata sa paningin, ang liwanag ng buwan ay magiging kaibigan, at ang huni ng mga kulisap ay magiging hele sa pandinig

Pero sa paglipas din ng mga oras ay mapagtatanto na ang lahat ay disensyo lang sa paligid na walang hatid na sagot sa ingay ng pag-iisip

Ang mga mata ay mapapagod sa tingkad ng kutitap at ang dalawang tainga ay mangangati sa tono ng kawalang kahulugan

Sa gitna ng madaling araw ay lamig na lamang ang susuot sa kaibuturan -dahan-dahang kakainin ang natitirang apoy na sinindihan ng nakaraang hapon

Ang mga buto naman ay pigil na magtatanggol sa nanginginig na laman, at sa muling pagsilip sa kawalan para manlaban sa kahinaan ay makikitang patay na ang liwanag at pagod na ang ingay ng mga insekto

Kaya sa umaga ay maghihintay ng kasagutan sa nakakagising na mga tanong at kaguluhan ng isipan, umaasang may matitira pang lakas mula sa pagkain ng gabi sa kamalayan

Tagged , , , , , , , , ,